Friday, February 5, 2010

Dito

Dito sa liwasan kung saan may liwanag,
ako mag-iisip,
mag-uumpisa,
hahanga,
hihinga,
sisipol at
susulat.

Dito ako matututong
humiga ng nakatayo
at lumipad ng di lumulutang.
Dito ako magbibigkas
ng mga salita
sa iba't-ibang wika.

Dito ako sasabog
na parang kwitis:
mataas,
malayo,
malakas,
titingalain at katatakutan.

Dito kung saan kaunti ang liwanag
ako'y maglalakbay,
nang nakapiring ang mata.
Susubukang magsimula
sa bulag na mundong aking ginagalawan,
tatahakin ang mabatong daan.

Sa wakas,
dito ako aawit
ng pasigaw,
sasayaw na tila ako lang
ang nilalang.
Dito ko sasagutan
ang iniwanan kong patlang.

Dito,
kung saan tahimik
at ako lang ang maingay,
ako'y magtutuldok
pagkatapos kong lumuha.

No comments: